ROTC Games Luzon Leg hahataw na | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Makulay na opening ceremony ang inihanda para sa Luzon Leg ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games ngayong umaga sa Cavite State University (CvSU) sa Indang, Cavite.
Pangungunahan ni Sen. Francis Tolentino, ang may konsepto ng ROTC Games para sa mga school cadets, ang opisyal na pagbubukas ng event kasama si CvSU president Hernando D. Robles.
Mula sa pitong events sa unang edisyon noong 2023 ay lumobo sa 14 sports disciplines ang paglalabanan ng mga school cadets mula Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force ngayong taon.
Ang mga ito ay ang arnis, athletics, 3x3 basketball, boxing, chess, e-sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball at raiders competition.
Gagawin sa CvSu Indang Campus ang arnis, athletics, chess, table tennis, volleyball at raiders competition sa event na suportado ng Department of National Defense, Commissioner on Higher Education at Philippine Sports Commission.
Isasalang ang boxing at kickboxing sa Tagaytay Combat Sports Center habang ang sepak takraw ay sa Sigtuna Hall at ang 3x3 basketball ay sa Robinsons Tagaytay Basketball Court at City College of Tagaytay.
Ang swimming ay pakakawalan sa De La Salle University-Dasmariñas; ang target shooting ay sa Camp Riego de Dios sa Tanza; at ang taekwondo ay sa Tolentino ports Complex and Activity Center sa Tanza.