QCPD nagsori sa kumalat na video ni Ronaldo Valdez | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Gaya ng giit ng pamilya Gibbs na mag-public apology ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa insidente nang pagkamatay ng aktor na si Ronaldo Valdez, kahapon pormal nang humingi nang paumanhin ang pulisya.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, tinatanggap nila ang bigat ng maling pagpapasya ng ilan nilang mga tauhan at lubos nila itong ikinalulungkot.
“Tayo ay taus-pusong humihingi ng paumanhin sa lahat ng pamilya ng Gibbs ganun din sa kanilang mga kaibigan dahil sa sabihin na natin na sakit na naidulot noong paglabas ng video sa iba’t-ibang social media platforms kung saan involved ang isang police sa pagkuha ng video,” ani Maranan.
Sinabi ni Maranan na agad nilang aaksiyunan ang pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan at mahaharap ng kaukulang administrative charges.
Paliwanag pa ni Maranan, ang kasong Neglect of Duty ay isinampa na rin laban sa tatlong police officers sa ilalim ng doctrine of command responsibility.
Gayunman, nilinaw ni Maranan na hindi sumasalalim sa kabuuang puwersa ng QCPD ang naging aksiyon ng mga rumespondeng pulis sa crime scene.
Tiniyak ni Maranan na hindi nila kinukunsinti ang nangyari at sa halip ay magpapatupad sila ng mahigpit na pamamaraan upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.