Quiambao muling bumida sa Green Archers vs Bulldogs | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Humugot ng lakas ang De La Salle University kay Kevin Quiambao upang ikadena ang National University, 88-78 sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena kagabi.
Nagliyab ang opensa ng MVP contender na si Quiambao matapos ilista ang triple-double na 20 points, 14 rebounds at 10 assists para ilista ang 6-3 karta para sa Taft-based squad.
Tumibay ang kapit ng Green Archers sa No. 3 spot sa team standings kung saan ay pakay nila na sikwatin ang pang-apat na sunod na panalo sa pagharap nila sa league-leading University of the Philippines sa Nob. 5.
Ipinaramdam ng DLSU ang kanilang lakas sa unang dalawang quarters nang iwanan ang NU ng 11-point lead, 50-39 sa halftime.
“Nanggaling naman lahat yan sa system nila coach. Nag doble effort lang ako dahil ung first round nga naatalo kami sa NU so parang may gusto akong patunayan,” ani 6-foot-8 Quiambao.
Samantala, nalasap ng Bulldogs ang pangalawang talo sa siyam na laro, pero nasa No. 2 pa rin sila sa team standings.
Sa unang laro, tinuldukan ng University of the East ang five-game losing streak matapos nilang tambakan ang University of Sto. Tomas 86-73.
Tangan ng Red Warriors ang 3-6 karta, nasa pang pito sila ng team standings pero buhay pa rin ang tsansa nila sa playoffs.
Tumikada sina Precious Momowei, at Abdul Sawat ng tig-17 puntos upang akbayan ang Recto-based squad sa panalo at ibaon lalo sa ilalim ang Growling Tigers kasama ang 1-8 card.
Naghabol ang Growling Tigers ng 17 points sa third quarter at naibaba nila ito sa 10 ngunit nag-init ang opensa nina Migs Pangilinan at Nic Cabañero para kunin ang 59-69 lead may 7:44 minuto pa sa fourth quarter.
“I’ think the boys followed the instructions. We came out very strong in the first quarter, we shared the ball so it was a good result,” ani UE head coach Jack Santiago.