Russell, James bumandera sa Lakers | Pilipino Star Ngayon
LOS ANGELES — Nagpasabog si D’Angelo Russell ng 34 points kasunod ang 28 markers ni LeBron James para pangunahan ang Lakers sa 134-110 pagtambak sa Portland Trail Blazers.
Nagdagdag si Austin Reaves ng 15 point habang kumolekta si Anthony Davis ng 14 points at 14 rebounds para sa Los Angeles (22-22) na nagmula sa isang 18-point loss sa Brooklyn Nets.
Pinamunuan ni Malcolm Brogdon ang Portland (12-30) sa kanyang 23 points at may 19 markers si Anfernee Simons .
Umiskor si Russell ng 13 points sa third period tampok ang tatlong 3-pointers kung saan inilista ng Lakers ang 22-point lead kontra sa Blazers.
Sa Washington, kumolekta si Nikola Jokic ng 42 points, 12 rebounds at 8 assists sa 113-104 paggupo ng defending champion Denver Nuggets (30-14) sa Wizards (7-35).
Sa Houston, humataw si Kristaps Porzingis ng 32 points para igiya ang NBA-leading Boston Celtics (33-10) sa 116-107 paggiba sa Rockets (20-22).
Sa Los Angeles, tumipa si Kawhi Leonard ng 14 sa kanyang 21 points sa huling limang minuto sa 125-114 pagresbak ng Clippers (27-14) sa Brooklyn Nets (17-25).
Sa Orlando, umiskor si Paolo Banchero ng 20 points para pamunuan ang apat pang starters na nagtala ng double figures sa 105-87 pagdaig ng Magic (23-20) sa Miami Heat (24-19).
Sa Phoenix, kumana si Kevin Durant ng 40 points habang may 26 markers si Devin Booker sa 117-110 pagtusta ng Suns (24-18) sa Indiana Pacers (24-19).