Saan na ang long arms of the law? | Pilipino Star Ngayon
MAHABA raw ang kamay ng batas at walang kriminal ang makaliligtas dito. Gaano kahaba? Sa pagkaunawa ng mga mamamayan dito, hindi madaling pagtaguan ang batas.
Bakit hanggang ngayon, may mga tinutugis na hinihinalang kriminal ang hindi mahagilap kahit may warrant of arrest na: Ang religious leader na si Apollo Quiboloy; suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at; ang matagal nang wanted sa umano’y pagpatay sa gobernador ng Negros Oriental na si Arnulfo Teves na hanggang ngayo’y nasa Timor Leste at wala pang linaw sa hinihiling ng Pilipinas na extradition. Si Teves na tinanggal sa pagiging Representante ng Negros Oriental ay inaakusahang pumatay kay Governor Degamo at nasa house arrest ngayon sa Timor Leste.
Si Quiboloy ay marami nang kinakaharap na kaso sa child abuse at human trafficking at may warrant of arrest na mula sa Korte. Si Guo ay wala pang pormal na isinasampang kaso tungkol sa kanyang pagiging sangkot sa ilegal na POGO at sa kanyang pagiging pekeng Pilipino. Ang warrant of arrest niya ay mula lamang sa Senado na nagsisiyasat sa mga alegasyong ito.
Maaaring hindi madaling gawin ang paghuli sa mga personalidad na ito. Bukod sa kanilang salapi ay maimpluwensya sila sa ilang high government officials. Si Quiboloy halimbawa ay protektado mismo ni dating Presidente Duterte na parang pinaglalaruan pa ang hustisya sa pagsasabing alam niya ang kinaroroonan ng pastor pero di niya sasabihin.
Bilang dating piskal, dapat malaman ni Duterte na ang ganyang pag-amin ay maituturing na obstruction of justice. Matindi ang self confidence ni Duterte na siya ring nagpahintulot kaya lumaganap ang POGO sa bansa.
Kawawa ang administrasyon sa kabagalan ng pagtugis sa mga taong nabanggit natin. Lumalabas na napakapalso ng justice system natin. Bakit kapag mga maliliit na kriminal madaling masakote pero kapag ang may sala ay kilalang personalidad, hirap na hirap ang mga awtoridad?