Tamaraws lusot sa Blue Eagles sa OT | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Ginimbal ng Far Eastern University ang nagdedepensang Ateneo De Manila University via 66-61 overtime win para sa kanilang unang panalo sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humakot si L-Jay Gonzales ng 21 points at 7 rebounds para sa 1-4 kartada ng Tamaraws na ipinatikim sa Blue Eagles ang ikatlong kabiguan sa limang laro.
Ito ang unang panalo ng FEU, pinanood ng dati nilang kamador na si PBA player RR Pogoy ng TNT Tropang Giga, sa Ateneo sapul sa Season 81 noong 2018.
“Tulung-tulong kami para maka-panalo na kami ng isa kasi alam namin sa sarili namin na bound to win na kami in the succeeding games,” sabi ni coach Denok Miranda.
Nagposte ang Tamaraws ng 15-point lead sa fourth quarter bago naghulog ang Blue Eagles ng 16-2 bomba patungo sa extra period kung saan bumida si Gonzales..
Tumipa si Jared Brown ng 18 points para sa Ateneo.
Sa ikalawang laban, ipinagpag ng University of the Philippines ang University of Sto. Tomas, 110-79, para sa kanilang pang-limang sunod na arangkada at patuloy na solohin ang liderato.
Sunod na lalabanan ng Fighting Maroons ang La Salle Green Archers sa Miyerkules target ang ikaanim na sunod na ratsada.