Trolls na pro-China, modernong Makapili | Pilipino Star Ngayon
Rurok ng kataksilan ang ginagawa ng mga kababayan nating gumagamit ng social media para kondenahin ang mga pumapalag sa ginagawang pang-aabuso ng China sa West Philippine Sea. Nasaan kaya ang pagmamahal nila sa Inang-bayan?
Napag-alaman na ang mga ito ay binabayaran ng China hindi lang para sila kampihan kundi upang hikayatin ang bayan sa isang destabilization laban sa administrasyon Marcos. Ano ba iyan? Hindi katakataka. Napakayaman ng China at kayang-kaya nitong palamunin ang mga patay-gutom na mga trolls na nangangailangan ng easy money.
Nakikita kasi ng China ang paglaban ni Marcos sa ginagawa nilang harassment sa mga napapadpad na mandaragat sa sarili nating teritoryo. Walang sinasanto ang mga asong ulol na ito at pati mga nagpapatrulyang Coast Guard natin ay walang patumanggang binobomba ng tubig.
Kapalit ng pera ay ipagkakanulo ng mga trolls ang sariling bayan. Masahol pa sila sa mga Makapili noong panahon ng hapon. Noon, ang mga ipinagkakanulo ng mga Makapili ay mga gerilya lang. Ngayon, ang ipinagkakanulo ng mga trolls na ito ay ang buong bayan.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, maging siya ay inaatake sa social media ng mga kababayan nating kakampi ng China. Pati ang Secretary of Defense at Philippine Coast Guard na gumaganap lang sa tungkulin protektahan ng bansa ay inaatake ng mga trolls na ito.
Kailangang kilalanin ng NBI ang mga taong ito upang maipagharap ng karampatang kaso. Kataksilan sa bayan ang kasalanan nila na ang katumbas na parusa ay kamatayan.