Chot may memorabilia na sa FIBA Museum | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — May memorabilia na si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes sa pamosong FIBA Museum na nasa FIBA House of Basketball sa Switzerland.
Nasa display area na sa FIBA Museum ang kontrobersiyal na suit na sinuot ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes noong FIBA World Cup na ginanap sa Pilipinas.
Idinonate ni Reyes ang suit nito sa FIBA Museum base na rin sa kahilingan ni FIBA Foundation Head Curator Miguel Font na magbahagi ng mga personal na gamit ng Pinoy coach.
“Was asked by FIBA Foundation’s Head Curator Miguel Font to donate some personal items I’ve been wearing through the qualifying windows last year until the WC this year,” ani Reyes.
Ibinahagi ni Reyes ang larawan nito sa kanyang social media account kung saan nakita roon ang kanyang suit na pinag-usapan ng netizens habang nasa kasagsagan ng kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
Malaking karangalan para kay Reyes na mapasama ang kanyang memorabilia sa FIBA Museum.
“What an honor to see my coat displayed at the FIBA Museum!” dagdag nito.
Nasa FIBA House of Basketball din ang Gilas Pilipinas jersey ni Jordan Clarkson.
May video rin si Reyes na nagpapakita nang ibinigay nito ang kanyang suit kay dating FIBA president Hamane Niang.