F2 kinapos sa Akari | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Kinailangan ng Akari ng fifth set para pabagsakin ang F2 Logistics, 21-25, 25-20, 27-25, 19-25, 15-8, sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumida sina Faith Nisperos, Dindin Manabat-Santiago, Trisha Genesis at bagitong si Fifi Sharma para sa pag-eskapo ng Power Chargers kontra sa Cargo Movers.
Pumuwersa ang F2 ng fifth set matapos makatabla sa fourth frame, 25-19, sa pangunguna nina Ivy Lacsina at Myla Pablo.
Kinuha ng Akari ang 12-6 abante sa fifth frame galing sa service ace ni Genesis habang ang block ni Sharma kay Pablo at service ace nito ang sumelyo sa kanilang panalo.
Sa unang laban, umiskor si Ces Robles ng siyam na puntos sa third set para tulungan ang Chery Tiggo sa 25-21, 25-23, 25-22 pagwalis sa Farm Fresh.
Tumapos ang Ilongga spiker na may 10 points para sa 1-0 baraha ng Crossovers na hindi nakuha ang serbisyo ni ace spiker Mylene Paat na nagrerekober sa right foot injury.
Humataw ang mag-utol na sina Eya at EJ Laure ng pinagsamang 27 points.
Ito ang ikaanim na sunod na kamalasan ng Foxies simula sa kanilang debut sa Invitational Conference tatlong buwan na ang nakakalipas.