Hotshots pumuwersa ng ‘sudden-death’ | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Itinabla ng Magnolia ang kanilang quarterfinals series ng Rain or Shine matapos agawin ang 129-100 panalo sa Game Four sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquno Stadium sa Malate, Manila.
Bumangon ang Hotshots mula sa 106-111 overtime loss sa Game Three para idikit sa 2-2 ang kanilang best-of-five showdown ng Elasto Painters.
Nakatakda ang ‘do-or-die’ Game Five sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumanat si import Jabari Bird ng 30 points at may 25 markers si Paul Lee tampok ang tatlong four-point shots para banderahan ang Magnolia.
Nagdagdag si Jerrick Ahanmisi ng 14 markers at may tig-10 points sina Mark Barroca at Ian Sangalang.
Hindi naglaro si Zavier Lucero.
Binanderahan ni import Aaron Fuller ang Rain or Shine sa kanyang 22 points kasunod ang 15 markers ni Jhonard Clarito.
May tig-11 points sina Beau Belga, Adrian Nocum at Andrei Caracut at 10 markers ang ambag ni Gian Mamuyac.
Nagtabla sa first period, 28-28, humulagpos ang Hotshots sa second quarter para tangayin ang 62-44 bentahe sa halftime.
Lalo pang nabaon ang Elasto Painters sa pagsasara ng third quarter, 79-99, hanggang bumigay sa 89-117 sa 5:19 minuto ng final canto.