Junior Altas, Brigadiers agawan sa 2nd win | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Puntirya ng Perpetual Junior Altas at EAC-ICA ang ikalawang sunod na panalo sa NCAA Season 99 junior’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Magtutuos ang Junior Altas at Brigadiers ngayong alas-10 ng umaga matapos ang laban ng SSCR Staglets at LPU GenTri sa alas-8 ng umaga.
Haharapin ng defending champion Letran Squires ang San Beda Red Cubs sa alas-12 ng tanghali kasunod ang laban ng Mapua Red Robins at La Salle Greenhills sa alas-2:30 ng hapon at ang bakbakan ng host JRU Light Bombers at Arellano Braves sa alas-4:30 ng hapon.
Kapwa galing sa panalo ang Junior Altas ni coach Joph Cleopas kontra sa LPU GenTri, 89 -75, at ang Brigadiers ni coach Noy Catalan sa La Salle Greenhills, 78-75, sa pagbubukas ng torneo noong Pebrero 10.
Sasandig ang Junior Altas kina Lebron Jhames Daep, Amiel Acido, Mark Gojo Cruz, JD Pagulayan, Kelsey Baldorai at point guard Regie Ayon.
Naglista si Daep ng impresibong 22 points, 5 rebounds, 4 assists, 4 steals at 1 block sa kanilang unang laban sa liga habang nag-ambag si Acido ng 15 points, 4 rebounds, 3 assists at one steal.