Multilateral joint patrols sa West Philippine Sea asahan sa 2024 – AFP | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na asahan na ang mas maraming joint patrols sa West Philippine Sea sa susunod na taon upang maprotektahan ang lugar.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, ito’y matapos na magsagawa ang Pilipinas ng air at maritime patrols kasama ang Amerika at Australia.
Aniya, umaasa ang AFP na makakasama nila ang bansang Japan at iba pang bansa na nagpahayag ng kanilang intensiyon na protektahan ang Pilipinas at WPS.
“We can expect more patrols in the coming year. Ang sabi naman ng ating Pangulo, it’s just the start at marami pang kasunod. So expect na hindi lang ito magiging bilateral. Baka later on maging multilateral ito, meaning, it will involve several countries,” ani Aguilar.
Sinabi ni Aguilar na kailangang palakasin ang alyansa sa ibang bansa upang matiyak na walang makakasakop sa teritoryo ng bansa.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang baguhin ng Pilipinas ang estratehiya upang labanan ang pambu-bully sa WPS dahil wala umanong nangyayari sa ‘diplomatic efforts’ ng bansa.
“Nananatili pa rin tayo actually sa diplomatic track, but it will be an invigorated one. Talagang tinitignan natin na magkaroon po talaga ng malakas na alyansa and I think we are already gaining ground on this matter,” dagdag pa ni Aguilar.