Nitura ng Perpetual kumamada, hinirang na NCAA Player of the Week | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Hinirang si Cyrus Nitura bilang Collegiate Press Corps Player of the Week sa NCAA Season 99 men's basketball tournament matapos pangunahan ang University of Perpetual Help System Dalta sa likod ng kanyang all-around play.
Bumida ang sophomore baller matapos niyang magtala ng 11.67 points, 9.0 rebounds, 6.67 assists at 3.0 steals na rehistro upang madala ang Altas sa 3-0 at ikaapat na sunod na panalo sa kabuuan para sa petsa Nobyembre 7 hanggang 12.
Dinaig ni Nitura sa botohan ang mga teammates niyang si Jun Roque at Mark Omega pati na rin si Will Gozum ng Saint Benilde at Clint Escamis ng Mapua upang makuha ang lingguhang parangal hatid ng San Miguel Corporation bilang major sponsor at suportado ng Discovery Suites at Jockey bilang minor sponsors.
Dahil sa magkakasunod na solidong laro ni Nitura, napahaba ng Perpetual ang winning streak nito para sa 8-7 na kartada at napanatili ring buhay ang tsansa sa Final Four.
Unang nagpalamas ng galing si Nitura kontra Arellano kung saan siya nagtala ng 13 puntos, 10 rebounds, at five steals sa 81-74 na panalo bago siya magpakawala ng four puntos, eight rebounds, at four assists sa pambihirang 61-57 upset win kontra San Beda.
Tinuldukan ni Nitura ang kanyang impresibong performance sa pamamagitan ng pagtatala ng muntikang triple-double na 18 points, nine rebounds, nine assists, three steals, at isang tapal kanilang 81-80 eskapo laban sa Lyceum.
Ayon kay Nitura, lahat ng ito ay produkto ng kanyang hardwork.
"Wala akong kaalam-alam (na almost triple-double) na ako, talagang trabaho lang," ani Nitura.
Samantala, si Perpetual head coach Myk Saguiguit ay natutuwa na matapos ang shaky start sa kanilang kampanya ay kanila nang napapatunayan na sila nga ang dark horse ng torneo.
"We're just happy kung ano 'yung nagagawa namin ngayon sa 99, we're making a lot of people happy. 'Yung season napapaganda namin kasi dati 'yung mga top four teams lang 'yung nandiyan eh," dagdag ni Saguiguit.
"Ngayon lumalabas na 'yung Perpetual and ang sarap ng feeling na naka-end kami ng streak."