Petecio lumapit sa Paris games berth | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nakalapit si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio sa tsansang makapasok sa Paris Olympics matapos umabante sa quarterfinals ng 1st World Olympic Boxing Qualifiers na ginaganap sa Busto Arsizio, Italy.
Muling inilabas ni Petecio ang bagsik nito nang patumbahin nito si Nancy Canan Tas ng Germany via unanimous decision sa Round of 16 ng women’s 57-kilogram division.
Mabilis na naglatag ng malakas na puwersa si Petecio na napanatili nito hanggang sa huling sandali ng laban upang makuha ang boto ng limang hurado.
Pakay ni Petecio na makahirit ng tiket sa semifinals sa pagsagupa nito kay Maud van der Toorn ng Netherlands na nanaig kay Jenifer Fernande ng Spain sa pamamagitan ng parehong unanimous decision win.
Kailangan ni Petecio na makapasok sa finals para awtomatikong makasungkit ng puwesto sa Paris Olympics.
Tanging ang dalawang finalists sa kanyang dibisyon lamang ang mabibigyan ng silya sa quadrennial meet.
Buhay na buhay pa rin ang pag-asa ni Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam sa men’s 57 kg division.
Kinailangan ni Paalam na magbanat ng buto bago maitakas ang 3-1 split decision win kay Andrey Bonilla ng Mexico para umusad sa Round-of-16.