PSA Cup didribol na! | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Didribol ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup regular season ngayong araw sa Ninoy Aquino Stadium.
Apat na koponan ang maglalaban para sa tropeo ng nagbabalik na annual basketball tournament.
Pamumunuan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann ang opening ceremony sa ganap na alas-7 ng gabi bago ang upakan sa pagitan ng Capital1 Solar Boys ni Manila Bulletin editor Ramon Rafael Bonilla at ng Strong Group Athletics Press Row Boys ni Daily Tribune boss Julius Manicad sa alas-8 ng gabi.
Kasunod nito ang laban ng Say Chiz Smileys ni Philippine Daily Inquirer editor Francis Ochoa at ng Smart Sports Scribes ni Spin.PH chief Dodo Catacutan sa alas-9:30 ng gabi.
Ang torneo ay isa sa mga proyekto ni PSA president Nelson Beltran ng The Philippine Star.
Nauna nang idinaos ang isang preseason tiff kung saan pumangalawa ang Smileys at pumangatlo ang Sports Scribes sa bumanderang Team PSC na tumipa ng four-game sweep sa torneong suportado ng PSC, ni top sports agent Danny Espiritu, Shakey's at Athletic Events and Sports Management Group Inc.