Red Warriors umeskapo sa Tamaraws sa OT | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Dumaan sa butas ng karayom ang University of the East bago nasilo ang 87-86 overtime win kontra Far Eastern University sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Nagliyab ang opensa ni Rey Remogat na sinandalan ng Red Warriors upang ilista ang 4-6 karta at manatiling malakas ang tsansa sa asam na pagsampa sa final four.
Tumikada si Remogat ng 34 points habang bumakas si Abdul Sawat ng 20 points para sa Red Warriors na ipinalasap ang pang pitong kabiguan ng Tamaraws sa 10 salang.
Hanggang sa dulo ng labanan ay naging mainit ang laro ng Recto-based squad matapos magsanib puwersa nina Precious Momowei, Jack Cruz-Dumont, Wello Lingolingo, Remogat at Sawat para hawakan ang 10-point bentahe, 87-77 may 38.7 segundo na lang sa laro.
Pangalawang beses nang iginapos ng Red Warriors ang Tamaraws ngayong season, kung saan nagwagi ang una, 65-58 nang magharap sila sa first round eliminations noong Oktubre 7.
Makakalaban ng Red Warriors ang University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum sa ala-1 ng hapon habang katapat ng FEU ang National University Bulldogs sa alas-4 ng hapon.
Tumikada si Jorick Bautista ng 21 markers para sa FEU habang 18 ang inambag ni L-Jay Gonzales.