Tatum sinakyan ng Celtics sa panalo laban sa Knicks | Pilipino Star Ngayon
BOSTON — Iniskor ni Jayson Tatum ang 17 sa kanyang 35 points sa fourth quarter para gabayan ang Celtics sa 114-98 paggupo sa New York Knicks.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 22 points at may 21 markers si Kristaps Porzingis para sa Boston (8-2).
Naglista si guard Jalen Brunson ng 26 points at nag-ambag si Julius Randle ng 25 markers sa panig ng New York (5-5) na naglaro na wala si RJ Barrett (migraine headache).
Matapos imintis ang pito sa una niyang walong tirada sa three-point line ay ipinasok ni Tatum ang apat na sunod na triple kasama ang isang four-point play para sa 95-88 abante ng Celtics sa dulo ng fourth period.
Ang tres ni Jrue Holiday ang tuluyan nang nagbaon sa Knicks sa 98-88.
Sa Milwaukee, nagposte si forward Giannis Antetokounmpo ng 35 points at 11 rebounds para banderahan ang Bucks (6-4) sa 118-109 pagsuwag sa Chicago Bulls (4-7).
Nagsumite si Bobby Portis, Jr. ng mga career-highs 19 points at 10 rebounds, habang may 13 at 12 markers sina Khris Middleton at Damian Lillard, ayon sa pagkakasunod, para sa panalo ng Milwaukee.
Sa Sacramento, humataw si De’Aaron Fox ng 28 points para igiya ang Kings (5-4) sa 132-120 pagpapabagsak sa Cleveland Cavaliers (4-6).
Hindi nakalaro si Fox ng dalawang linggo dahil sa ankle injury.
Sa Toronto, kumayod si Pascal Siakam ng 39 points sa 111-107 pagtakas ng Raptors (5-5) sa Washington Wizards (2-8).
Tumipa si Kyle Kuzma ng season-high 34 points para sa Wizards.