NXLED ginulat ang Akari | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Tinapos ng Nxled ang limang dikit na kamalasan matapos gulatin ang Akari, 22-25, 25-17, 25-23, 25-16, sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pumalo si May Luna ng team-high 14 points, habang may 13 markers si Jho Maraguinot tampok ang 11 excellent digs at 9 excellent receptions.
Inialay ni Luna ang panalo sa kanyang pumanaw na ina.
“Actually, it’s kinda difficult decision using May Luna inside the court because she’s been crying every time after her mom died,” sabi ni Japanese coach Taka Minowa.
Nagdagdag si Lycha Ebon ng 12 points kasunod ang 11 markers ni Camille Victoria.
Ito ang ikalawang panalo ng Chameleons sa pitong laro, habang nadulas ang Chargers sa tatlong sunod na pagkatalo matapos iposte ang 4-0 baraha.
Kumolekta si Kamille Cal ng 28 excellent bukod sa 8 points para sa Nxled na isinuko ang first set bago kunin ang sumunod na tatlong sets laban sa Akari.
Samantala, ipinoste ng Farm Fresh ang unang panalo sa torneo makaraang gibain ang Gerflor, 25-17, 25-17, 25-15.
Naglista si playmaker Louie Romero ng 13 excellent sets, samantalang pumalo si Kate Santiago ng 18 points.
May 1-7 marka ngayon ang Foxies at inihulog ang Defenders sa 0-7 kartada.