Triple-double ni Jokic lusaw sa Rockets | Pilipino Star Ngayon
HOUSTON -— Kumamada si Fred VanVleet ng 26 points at may 23 markers si Alperen Sengun sa 107-104 pagpapasabog ng Rockets sa nagdedepensang Denver Nuggets.
Nasa six-game winning streak ngayon ang Houston (6-3) matapos magtala ng pitong sunod na panalo noong Enero ng 2021.
Inilista naman ni Nikola Jokic ang ikaapat niyang triple-double ngayong season sa tinapos na 36 points, 21 rebounds at 11 assists para sa Denver (8-2).
Ang triple ni Jokic sa huling 19.1 segundo ng fourth quarter ang nagdikit sa Nuggets sa 102-103 kasunod ang dalawang free throws ni VanVleet para sa 105-102 abante ng Rockets.
Bigo si Jokic na maipasok ang binato niyang full-court shot sa pagtunog ng final buzzer.
Sa San Antonio, nagsalpak si Duncan Robinson ng 26 points at nagposte si Bam Adebayo ng 24 points at 11 rebounds sa 118-113 pagsunog ng Miami Heat (6-4) sa Spurs (3-7).
Sa Philadelphia, humataw si Tyrese Maxey ng career-high 50 points habang may 37 markers si Joel Embiid sa 137-126 pagsagasa ng 76ers (8-1) sa Indiana Pacers (6-4).
Sa Los Angeles, umiskor si Desmond Bane ng 27 points sa 105-101 pagtakas ng Memphis Grizzlies (2-8) sa Clippers (3-6).
Sa New Orleans, nag-lista si Kyrie Irving ng 35 points at may 30 markers si Luka Doncic sa 136-124 paghuli ng Dallas Mavericks (8-2) sa Pelicans (4-6).