2 korona sa ITF Spain hinataw ni Alex Eala | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Maningning ang ratsada ni Alex Eala na na-sweep ang dalawang korona — ang singles at doubles — sa ITF W100 Vitoria-Gasteiz na ginanap sa Spain.
Sa huling araw ng bakbakan, naitarak ni Eala ang 6-4, 6-4 panalo laban kay Victoria Jiménez Kasintseva ng Andorra sa women’s singles finals para matamis na makopo ang kampeonato.
Unang tinalo ni Eala si Dutch Lian Tran sa round of 32 kasunod ang pananaig kay Spanish Lucia Cortez Llorca sa round of 16.
Iginupo pa ni Eala sina Ukrainian Yulia Starodubtsewa, 7-5, 6-4 sa quarterfinal at Mexican Maria Jose Portillo Ramirez, 6-2, 6-1, sa semis para makapasok sa finals.
“This win means the world to me, it even made me ugly cry. I am so proud because this represents the culmination of so much hard work,” ani Eala.
Una nang nagreyna si Eala sa doubles event kasama si Estelle Cascino ng France.
Pinataob nina Eala at Cascino sina Lia Karatancheva ng Bulgaria at Diana Marcinkevica ng Latvia, 6-3, 2-6, 10-4 sa gold medal match ng doubles.
Ito ang unang pagkakataon na nasungkit ni Eala ang doubles at singles titles sa isang event.
Kasalukuyang may apat na doubles titles na si Eala.
Dalawa sa koronang ito ay kasama ni Eala si Cascino.
Nagkampeon sina Eala at Cascino sa W75 Croissy-Beaubourg sa France noong Marso. May limang korona naman si Eala sa singles.