Babaeng nag-abandona ng sanggol sa CR ng gasolinahan, inaresto kasama ang magulang | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Naaresto na ng — Quezon City Police District (QCPD) ang isang babae na sinasabing nag-iwan ng sanggol sa banyo ng isang gasolinahan sa Kalayaan Avenue sa Quezon City nitong Pebrero 8 ng umaga.
Kasama ring binitbit ang magulang nito sa paniniwalang may kinalaman sa krimen.
Nahanap ng pulisya ang tirahan ng babae sa Vista Verde Country Homes sa Brgy. Muntindilaw, Antipolo City nitong Biyernes.
Batay sa ulat ng pulisya, nagsagawa sila ng backtracking sa kuha ng CCTV sa pagkakakilanlan ng babae at kasama nito sa sasakyan na isang SUV.
Naplakahan sa CCTV footage ang ginamit nilang sasakyan at natuklasang pagmamay-ari ito ng ama ng babaeng nag-iwan sa sanggol.
Bago inaresto, makikita sa CCTV footage ang buntis na babae na naki-CR sa gasolinahan, sinasabing doon ito nanganak at iniwan ang sanggol.
Nadiskubre ang sanggol nang may sumunod na gumamit ng banyo.
Hindi agad natuklasang may sanggol sa CR dahil pinasakan pa ng tissue paper ang bibig nito.
Nahaharap sa frustrated infanticide at child abuse ang ina ng sanggol, habang inihahanda rin ang reklamo laban sa kanyang mga magulang.