2 HVI na drug suspects, huli sa buy-bust | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Dalawang lalaking itinuturing na ‘high value individual’ (HVI) drug suspects ang inaresto ng mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Pasig City, kahapon.
Kinilala ni Pasig City Police chief, PCOL Celerino Sacro Jr. ang mga suspek sa mga alyas na Uma, 18, at Aljo, 31, kapwa naninirahan sa Pasig City.
Batay sa ulat, nabatid na dakong alas-6:05 ng umaga nang arestuhin ng mga tauhan ng Pasig City Police at Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO), ang mga suspek sa isang buy-bust operation sa Caliwag St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa illegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad silang inaresto sa isang buy-bust operation matapos ang serye ng mga surveillance.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang aabot sa 55 gramo ng shabu, na may estimated value na P374,000 at buy-bust money.
Ang mga suspek ay nakapiit na at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.