Cardinals pumuslit sa Knights | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Bumangon ang Mapua University mula sa double-digit deficit para takasan ang ‘three-peat’ champions Letran College, 69-66, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Napanatili ng Cardinals ang pagkapit sa solong liderato bitbit ang 9-2 record para palakasin ang tsansa sa Final Four.
“Sabi ko nga stay composed tapos dapat gutom pa rin sa panalo at huwag kaming makuntento,” sabi ni coach Randy Alcantara na nakakuha kay Clint Escamis ng 21 points, 2 rebounds at 2 steals.
Laglag ang Knights sa ikatlong dikit na kamalasan para sa 1-10 baraha.
Samantala, humataw si Oman Omandac ng 24 points tampok ang limang three-point shots sa 81-78 paglusot ng Lyceum of the Philippines University sa Emilio Aguinaldo College.
Ang ikalawang sunod na ratsada ng Pirates ang nagbigay sa kanila ng 8-3 karta.
Nagdagdag si Renz Villegas ng 13 points, 8 rebounds at 7 assists at may 12 markers si Alvin Peñafiel para saluhin ang naiwang trabaho ng may sakit na si Enoch Valdez.