Chiefs sumuko sa Blazers | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Humakot si reigning MVP Will Gozum ng 17 points, 9 rebounds at 2 blocks para ihatid ang College of St. Benilde sa 74-56 paglampaso sa Arellano University sa second round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Sumasakay ngayon ang Blazers sa kanilang four-game winning streak para sa 8-3 record na nagpalakas sa tsansa nila sa Final Four.
Nag-ambag sina Miguel Oczon at Miguel Corteza ng tig-11 points at kumolekta si Mark Sangco ng 8 markers, 11 rebounds, 6 assists, 2 blocks at 1 steal.
Binanderahan ni Lorenz Capulong ang Chiefs, may 2-10 baraha, sa kanyang 18 points at 12 boards.
Mula sa 17-16 abante ay nagtuwang sina Oczon, Gozum, Corteza at Sangco sa paghuhulog ng 23 points sa second quarter para ibigay sa St. Benilde ang 40-28 lead sa halftime.
Samantala, nagtala sina Art Roque at Christian Pagara ng pinagsamang 32 points sa 72-61 pagdaig ng University of Perpetual Help System DALTA (5-7) sa Jose Rizal University (8-5).