FEU sisilip ng tsansa sa UAAP Final Four | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Kailangan nina L-Jhay Gonzales at Xyrus Torres na magdoble-kayod upang mapanatiling may tsansa ang Far Eastern University sa asam na makapasok sa Final Four ng UAAP Season 86 men’s basketball tournament.
Nakatakdang harapin ng Tamaraws ang tigasing University of the Philippines Fighting Maroons ngayong alas-2 ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan ang 3-8 karta, isang kurap na lang ng FEU at maliligwak na sila sa 14-team double round robin collegiate league.
Galing sa tatlong sunod na talo ang Tamaraws kaya tiyak na mahihirapan silang makuha ang panalo lalo’t ang katapat nila ay ang Fighting Maroons na nasa tuktok ng team standings tangan ang 9-2 card.
Sina Gonzales at Torres ang nagtulungan sa opensa sa kanilang huling laro pero hindi sapat upang makuha ng FEU ang panalo.
Para sa Fighting Maroons na swak na sa semifinals ay nais pa rin nilang mapalakas ang kapit sa top spot para mahablot ang ‘twice-to-beat’ incentive.
Sina Malick Diouf at CJ Cansino naman ang ipantatapat ng Fighting Maroons sa mga tirador ng Tamaraws.
Samantala, maghaharap sa alas-4 ng hapon ang National University Bulldogs at University of Sto. Tomas Growling Tigers.