Fighting Maroons sisikwat ng bonus vs Bulldogs | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Sisikapin ng University of the Philippines na masungkit ang panalo kontra National University sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena ngayong araw upang masiguro ang asam na twice-to-beat incentive.
Nasa tuktok ng team standing ang Fighting Maroons tangan ang 11-2 card, iiwas sila sa posibleng three-way tie sa unang puwesto kaya kailangan ng Diliman-based squad na igapos ang Bulldogs pag-arangkada ng laro sa alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa No. 2 na may tig-10-3 records ang NU at De La Salle University na kasalukuyang nakikipagbakbakan sa defending champion Ateneo habang tinitipa ang istoryang ito.
Inaasahang huhugot ng puwersa ang Fighting Maroons kina CJ Cansino, Aldous Torculas, Chicco Briones at Malick Diouf para mapataob ang tigasing NU.
Samantala, nagwagi ang University of Sto. Tomas Growling Tigers sa Far Eastern University Tamaraws, 57-53 kahapon na nilaro sa Araneta Coliseum.
Tinapos ng Tigers ang kanilang kampanya ngayong season na may 2-12 karta.