Gilas babangga sa Latvia sa FIBA OQT | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Umpisa na ng ratsada ng Gilas Pilipinas upang makasungkit ng puwesto sa Paris Olympics sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na papalo ngayong araw sa Arena Riga sa Latvia.
Unang haharapin ng Gilas ang host at world No. 6 Latvia sa alas-12 ng hatinggabi (oras sa Maynila).
Tiwala ang Gilas Pilipinas coaching staff na handang-handa na ang kanilang tropa na makipagbakbakan lalo pa’t galing ito sa pukpukang ensayo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago tumulak sa Europa.
Sumalang pa ang Gilas Pilipinas sa tuneup game kontra Chinese-Taipei na sinundan ng dalawa pang friendly matches laban sa Turkey at Poland.
Kaya naman umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na lalaban ang kanyang bataan para makuha ang inaasam na tiket sa Paris Games.
Aminado si Cone na matinding laban ang haharapin nito lalo pa’t solido ang Latvia na tumapos sa ikalimang puwesto sa 2023 FIBA World Cup na ginanap sa Manila noong nakaraang taon.
Wala sa lineup ng Latvia si Kristaps Porzingis na bahagi ng NBA champion Boston Celtics matapos itong sumailalim sa operasyon.
Wala rin si World Cup top scorer Andreis Grazulis sa lineup ng Latvia na nakapaskil sa FIBA.
Gayunpaman, nananatiling malakas ang Latvia dahil nariyan pa sina power forwards Davis Bertans at Rolands Smits.
Solido ang mga numero ni Bertans na may averages na 12.0 points at 3.9 rebounds habang may 13 points, 4.4 rebounds at 1.3 assists na averages si Smits.
Sa kabilang banda, ipaparada ng Gilas Pilipinas si naturalized player Justin Brownlee kasama sina seven-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo at Kai Sotto.
Kailangan ng Gilas Pilipinas na makakuha ng panalo sa group stage upang mapalakas ang tsansa nito sa Paris spot.
Sunod na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Georgia sa alas-8:30 ng gabi sa Huwebes (oras sa Maynila).
Mangunguna para sa Georgia si Orlando Magic player Goga Bitazde kasama si Aleksander Mamukelashvili na bahagi ng San Antonio Spurs.