Gold para sa Philippine team sa Olympiad | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Binokya ng Philippine national women’s team ang Brazil, 4-0, sa 11th at final round ng 45th FIDE Chess Olympiad na inilaro kahapon sa BOK Sports Hall sa Budapest, Hungary.
Tumulak ng panalo sina Shania Mae Mendoza, Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Ruelle Canino sa boards 1 hanggang 4, ayon sa pagkakasunod, para ilista ang 14 match points at pumuwesto sa 24th overall nang ipatupad ang tiebreaks.
Dahil sa panalo ay naiuwi ng mga Pinay woodpushers ang gold medal sa Group B at pinakamataas sila sa mga bansang may ranggong 35th hanggang 70th.
“This is a milestone in Philippine chess history, a legacy that will not be forgotten for the generations to come,” sabi ni national women’s coach Grandmaster Jayson Gonzales.
Noong 2006 Turin edition ay nakopo ng national women’s squad ang gold medal sa Group C.
Ang mga pambato ng Pilipinas sa nsabing edisyon ay sina Sheerie Joey Lomibao, Catherine Pereña, Sherily Cua at Beverly Mendoza.
Best finish din ito ng Pilipinas sapul nang tumapos sa 22nd place noong 1988 edition sa Thessaloniki, Greece kung saan ang pambato noon ay sina Girme Fontanilla, Mila Emperado at Cristina Santos-Fidaer.
Naungusan naman ng mga Pinay ang 36th-place performance nila may dalawang taon na ang nakakalipas sa Chennai, India.
Ang tagumpay ng women’s squad ang nagtakip sa 59th-place ending ng men’s team sa open section.