Growling Tigers umeskapo sa Bulldogs | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Nagsalpak ng isang go-ahead two-point shot si Forthsky Padrigao upang akbayan ang University of Sto. Tomas sa 67-64 panalo laban sa National University sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mas naging mabalasik ang Growling Tigers sa dikdikang labanan kaya naman naitakas nila ang pangatlong panalo sa apat na laro at kapitan ang No. 3 spot sa team standings.
“Against NU naging aggressive ‘yung mga bata. Iyong will to win nandoon. Basta kami a win is a win, three points, two points, one point,” sabi ni coach Pido Jarencio.
Nagtulungan sa opensa sina Padrigao, Nic Cabañero at Mo Tounkara sa clutch ending upang habulin ng Espana-based squad ang seven-point lead ng Bulldogs, 60-53, sa kalagitnaan ng fourth quarter.
Tabla ang iskor sa 64-64, kumalas ang UST matapos itarak ni Padriago ang panelyong stepback jumper sas huling 29 segundo sa orasan.
Nagmintis naman si Jake Figueroa sa posesyon ng NU sumunod na play kaya muling umiskor ng split charities si Padrigao para makuha ang importanteng panalo.
Pinangunahan ni Christian Manaytay ang opensa para sa Growling Tigers matapos irehistro ang 14 points, 5 rebounds at 3 assists,.
Tumikada naman si Tounkara ng double-double na 15 markers at 10 rebounds.
Tumapos si Padrigao na may walong puntos kasama ang limang assists at tatlong boards.
May 10 markers si Cabañero.
Makakapagpahinga ng mahaba ang UST bago harapin ang nagdedepensang De La Salle University sa Setyembre 29 sa Big Dome.