Heat sinunog ang Wizards | Pilipino Star Ngayon
MIAMI — Tumikada si Tyler Herro ng 24 points habang may 20 markers si Jimmy Butler para banderahan ang Heat sa 121-114 pagsunog sa Washington Wizards at tapusin ang four-game losing skid.
Nagtala rin si Herro ng 10 rebounds at 9 assists para sa Miami (2-4) na nakahugot kina Bam Adebayo at Duncan Robinson ng tig-18 points.
May 22 points si Kyle Kuzma sa panig ng Washington (1-4) habang may 19 at 14 markers sina Jordan Poole at Deni Avdija, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang In-Season Tournament ng Heat at Wizards na nasa East Group B kasama ang Milwaukee Bucks, New York Knicks at Charlotte Hornets.
Kinuha ng Miami ang 60-54 halftime lead na kanilang pinalobo sa 101-81 papasok sa fourth quarter bago nakalapit ang Washington sa 105-115.
Sa Denver, humakot si Nikola Jokic ng 33 points, 14 rebounds at 9 assists para pangunahan ang nagdedepensang Nuggets (5-1) sa 125-114 pagdaig sa Dallas Mavericks (4-1).
Sa Oklahoma City, humataw si Stephen Curry ng 30 points, tampok ang winning layup sa huling 0.2 segundo para akayin ang Golden State Warriors (5-1) sa 141-139 pagtakas sa Thunder (3-3).
Sa Chicago, umiskor si Dorian Finney-Smith ng 21 points sa 109-107 paglusot ng Brooklyn Nets (3-2) sa Bulls (2-4).