NCAA elims isasara ngayon | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Isasara ng apat na koponan ang elimination round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Sasalang ang San Beda University at talsik nang Letran College ngayong alas-3:30 ng hapon matapos ang banggaan ng mga sibak nang San Sebastian College at Arellano University sa ala-1:30 ng hapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Buo na ang Final Four na kinabibilangan ng Mapua (15-3), Lyceum (13-5), San Beda (11-6) at St. Benilde (11-7).
May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 Cardinals laban sa No. 4 Blazers at ang No. 2 Pirates kontra sa No. 3 Red Lions sa semifinals na hahataw sa Martes.
Kahit matalo ang San Beda sa Letran (2-15) ay uupo pa rin sila sa No. 3 spot via tiebreaker dahil sa pagwalis nila sa St. Benilde sa dalawang laro sa eliminasyon.
Ang laban sa Knights ang gagamiting preparasyon ng Red Lions sa Final Four.
“It is always tough playing Letran because of the rivalry. Forget about the standings,” wika ni San Beda coach Yuri Escueta.
Kasalukuyang sumasakay ang Red Lions sa three-game winning streak papasok sa Final Four habang nagmula ang Knights sa 54-72 pagkatalo sa Blazers sa huli nilang laro.