PBA nalungkot sa kontrobersya ni Amores | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ikinalungkot ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pagkakadawit sa isa na namang kontrobersya ni NorthPort rookie guard John Amores.
Sumuko kahapon ang dating Jose Rizal Heavy Bomber kasama ang kanyang kapatid sa mga awtoridad matapos ang isang shooting incident sa Lumban, Laguna noong Miyerkules.
“This is a matter subject of investigation by the police, and we cannot comment in it. But we are saddened by such unfortunate incident,” ani PBA Commissioner Willie Marcial.
Nahaharap ang 24-anyos na PBA player sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong matapos barilin si Lee Cacalda sa National Road, Barangay Maytalang Uno dahil sa pustang P4,000 sa kanilang laro.
Nauna nang umastang ‘John Wick’ si Amores sa NCAA Season 98 nang sugurin at pagsasapakin sa bench ang ilang players ng St. Benilde Blazers kalaban ang Heavy Bombers.
Pinatawan siya ng NCAA ng indefinite ban at hindi nakalarong muli sa liga.
Kinuha ng Batang Pier si Amores bilang No. 51 overall pick sa 2023 draft at pinalagda sa isang one-year contract.