1-0 lead itinagay ng Gin Kings | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Naisuko man ng Barangay Ginebra ang 15-point lead sa third period, ngunit hindi ang panalo.
Bumalik sa porma ang Gin Kings sa fourth quarter para pabagsakin ang Meralco Bolts, 99-92, sa Game One ng PBA Season 49 Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Humakot si import Justin Brownlee ng 29 points, 12 rebounds, 7 assists at 3 steals para sa 1-0 lead ng Gin Kings sa best-of-five duel nila ng Bolts.
“We came out on top, but basically he made more plays down the stretch,” ani coach Tim Cone sa kanilang resident import. “That was the key, It could have gone either way.”
Nag-ambag si Scottie Thompson ng 19 markers, ang 15 dito ay iniskor niya sa first half kung saan kinuha ng Ginebra ang 53-43 halftime lead patungo sa paglilista ng 66-51 abante sa 6:52 minuto ng third period.
Sa likod nina Cliff Hodge at Chris Newsome ay isang 18-3 atake ang inilunsad ng Meralco para makatabla sa 69-69 sa 2:11 minuto nito.
Muling nakalayo ang Gin Kings sa 95-85 sa 2:50 minuto ng fourth quarter galing sa three-point shot ni rookie RJ Abarrientos.
Nagtuwang sina import Allen Durham at Chris Banchero para idikit ang Bolts sa 92-97 sa huling 28.8 segundo.
Ang dalawang free throws ni Brownlee ang sumelyo sa panalo ng Ginebra.
Samantala, target ng TNT Tropang Giga at Rain or Shine na maitayo ang 2-0 lead sa kanilang mga quarterfinals series.
Lalabanan ng Tropang Giga ang NLEX Road Warriors sa Game Two ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang upakan ng Elasto Painters at Hotshots sa alas-5 ng hapon sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
Tinalo ng TNT ang NLEX, 107-102, habang pinatumba ng Rain or Shine ang Magnolia, 109-105, sa kanilang mga series opener noong Miyerkules.