Blazers tinapos ang ratsada ng Pirates | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Kaagad nakabawi mula sa kabiguan ang College of St. Benilde para patuloy na solohin ang liderato ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Bugbog-sarado sa Blazers ang Lyceum Pirates, 103-78, kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humakot si center Allen Liwag ng 22 points, 12 rebounds at 1 block para sa 5-1 kartada ng Blazers.
“Pagbalik namin sa ensayo go-hard na talaga, kasi di kami pwede mag-relax. Lahat ng teams gusto kaming talunin eh,” sabi ni Liwag.
Nagdagdag si Justine Sanchez ng 18 markers at may 10 points si John Mowell Morales na ibinuhos niya sa first half kung saan sila nagtayo ng 59-40 abante sa halftime.
Napigilan ang three-game winning streak ng Pirates para sa kanilang 3-3 marka.
Matapos isara ang first period bitbit ang 32-22 abante ay humataw pang lalo ang St. Benilde sa second quarter para kunin ang 19-point halftime lead.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Lyceum na nakahugot kay McLaude Guadana ng 26 points.
Sa unang laro, bumira si Cyrus Cuenco ng career-high 26 points para igiya ang Mapua University sa 91-72 paggupo sa San Sebastian College-Recoletos.
Umiskor si reigning Most Valuable Player Clint Escamis ng 25 markers para sa 4-2 baraha ng Cardinals.
May 12 points si rookie Chris Hubilla.
Lagapak ang Stags sa pang-limang sunod na kabiguan matapos ang 2-0 panimula sa torneo.