Quiambao ibinangon agad ang La Salle | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Balik sa porma ang defending champion De La Salle University matapos nilang takasan ang Far Eastern University, 68-62 kahapon sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Samart Araneta Coliseum.
Kinapitan ng Taft-based squad sa opensa sina reigning Most Valuable Player, (MVP) Kevin Quiambao at Mike Phillips upang makabangon agad mula sa pagkakatisod nila nakaraang laban.
Nagtala si Quiambao ng 12 points, 11 rebounds at walong assists habang nag-ambag si Phillips ng double-double na 13 markers at 14 boards para sa Green Archers na nilista ang 4-1 karta.
Pero hindi naging madali para sa La Salle na makuha ang panalo dahil naging mabangis sa buong laban ang Tamaraws.
Kahit nakalamang ng 10 puntos ang Green Archers sa halftime, 38-28 ay nailapit pa ito ng Tamaraws sa third canto ng hatakin nila ang 22-13 bentahe kaya natapyasan sa isang puntos ang hinahabol, 51-50 papasok ng payoff period.
Hindi naman nangatog ang mga tuhod ng Green Archers, nanatili ang kanilang tikas para makuha ang panalo.
Lupaypay ang balikat ng La Salle ng dungisan ng University of the East ang kanilang malinis na karta noong Linggo matapos yumuko, 71-75.
“It’s just another challenging opportunity for us. Can I go back to our UE game? UE didn’t upset us—they really deserved the win,” ani Green Archers head coach Topex Robinson.
Nabaon sa ilalim ng team standings ang Tamaraws na nalasap ang ika-limang sunod na kabiguan.
Si FEU rookie guard Janrey Pasaol ang nanguna sa puntusan sa nilistang 13 puntos habang nagtala naman si Gambian center Mo Konateh ng 12 points, 25 rebounds at apat na blocks.