PLDT sinisiw ang Capital1 | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Kaagad bumangon ang PLDT Home Fibr mula sa kabiguan matapos gibain ang Capital1 Solar Energy, 25-13, 25-15, 25-16, sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Itinaas ng High Speed Hitters ang kanilang baraha sa 3-1 tampok ang 22 points ni Fil-Canadian Savi Davison mula sa 19 attacks, 2 aces at 1 block.
Nagdagdag si Fiola Ceballos ng 10 markers habang may 6 at 5 points sina Erika Santos at Dell Palomata, ayon sa pagkakasunod, at nagtala si Rhea Dimaculangan ng 12 excellent sets.
“Happy with the win. Happy na naka-contribute ulit iyong mga role players namin,” sabi ni head coach Rald Ricafort.
Nagmula ang tropa ni Ricafort sa 16-25, 23-25, 21-25 kabiguan sa Petro Gazz matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
Umiskor sina Heather Guino-o at Sydney Niegos ng tig-6 points sa panig ng Solar Spikers na bigong maihataw ang ikalawang sunod na panalo para sa 1-3 baraha.