Stags sibak sa Blazers; Altas lusot sa Pirates | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Nag-init sa fourth period ang College of St. Benilde para sibakin ang San Sebastian College-Recoletos, 78-68, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Hinigpitan ng Blazers ang kapit sa third place bitbit ang 10-5 record at ipinatikim sa Stags ang 5-10 marka para makasama sa bakasyon ang Arellano Chiefs (2-12) at ‘three-peat’ champions Letran Knights (1-14).
Nagsampay si Will Gozum ng 14 points, 8 rebounds at 4 assists para pamunuan ang St. Benilde na nakahugot kina Migs Oczon at Robi Nayve ng tig-13 markers.
“Inisip ko na lang na may game kami ngayon and kailangan naming manalo. It’s a tough loss, but it is what it is,” ani Oczon sa 81-84 kabiguan nila sa Lyceum noong Biyernes.
Pinamunuan ni Rommel Calahat ang San Sebastian sa kanyang 14 points.
Sa ikalawang laro, ipinasok ni Mark Omega ang isang game-winning triple sa 81-80 pagtakas ng University of Perpetual Help System DALTA sa Lyceum of the Philippines University.
Itinaas ng Altas ang baraha sa 8-7 tampok ang four-game winning streak at inihulog ang Pirates sa 11-4.
Sa huling laro, sinolo ng Mapua University (12-3) ang liderato matapos kunin ang 71-69 panalo sa San Beda University (8-6).