Yulo naghahanda na sa 2024 | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Simula na ng preparasyon para kay world champion Carlos Edriel Yulo dahil malalaking torneo ang haharapin niya sa susunod na taon.
Unang sasalang si Yulo sa 2024 World Cup Series na idaraos sa iba’t ibang venues.
Ngunit nakasentro ang kanyang atensiyon sa Olympic Games na gaganapin sa Paris, France sa Hulyo.
Kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ni Yulo ang lahat para masiguro na nasa tamang kundisyon siya bago sumabak sa bawat laban.
Katuwang ni Yulo sa pangangalaga sa kanyang katawan si Philippine Olympic team nutrition coach Jeaneth Aro.
Nakita si Yulo sa isang Instagram post kasama si Aro sa MVP Gymnastics Center sa Intramuros, Manila.
Masaya si Aro na bahagi ito ng preparasyon ni Yulo para sa World Cup Series at sa 2024 Paris Olympics.
“What a privilege to be working with @cedrielzxs as he’s gearing up for the World Cup Series and #Paris2024 #Olympic Games,” ani Aro sa kanyang post.
Lalahok si Yulo sa World Cup Series sa Egypt, Germany, Azerbaijan, Turkey, Croatia, Qatar, Bulgaria, Slovenia at Hungary base sa schedule na inilabas ng International Gymnastics Federation (FIG).
Magsisimula ang World Series sa Pebrero at matatapos sa Oktubre.