6 teams unahan sa panalo | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Tatlong koponan ang tiyak na makakapagtala ng panalo sa kanilang mga unang laro sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatapat ang Chery Tiggo at Farm Fresh ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang upakan ng F2 Logistics at Akari sa alas-5 ng hapon at ang banggaan ng Petro Gazz at bagitong Galeries Tower sa alas-7 ng gabi.
Nauna nang naglista ng panalo ang Creamline, Cignal HD at baguhang Nxled sa pagsisimula ng torneo noong Linggo sa Big Dome.
Dinaig ng Cool Smashers ang Choco Mucho Flying Titans, 25-18, 25-16, 24-26, 25-21 habang wagi ang HD Spikers sa PLDT Home Fibr High Speed Hitters, 25-16, 20-25, 25-21, 25-20.
Winalis naman ng Chameleons ang Gerflor Defenders via straight sets, 25-18, 25-14, 25-19.
Bagama’t posibleng hindi maglaro si injured star spiker Kianna Dy ay kumpiyansa pa rin si coach Regine Diego sa tsansa ng kanyang Cargo Movers.
“All we can do is give our best every day, and our goal is still to become champions, just like all the other teams,” wika ni Diego na aasahan sina Jolina Dela Cruz, Myla Pablo, Ivy Lacsina, Elaine Kasilag, Aby Maraño at Mary Joy Dacoron.
Ipaparada ng Power Chargers ang mga bagong hugot na sina De La Salle University dynamic duo Fifi Sharma at Justine Jazareno para makatuwang nina Faith Nisperos, Dindin Santiago-Manabat at team captain Michelle Cobb.