Tallo-Ayo reunion sa Converge | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Posibleng matupad na ang reunion nina Mac Tallo at dating head coach Aldin Ayo.
Bagama’t wala pang opisyal na kasunduan ay sumasalang na si Tallo para sa FiberXers ni Ayo sa Converge Pocket Tournament bilang bahagi ng preparasyon sa pagbubukas ng PBA Season 48 sa Nobyembre 5.
Dalawang beses na naglaro si Tallo, ang No. 1 3x3 player para sa Chooks-to-Go Pilipinas, sa FiberXers at solido ang mga naging performances para sa dati niyang mentor.
Nahawakan dati ni Ayo si Tallo sa Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 bukod pa ang stints nila sa MPBL para sa Bicol Volcanoes bago ang patikim na pagbabalik sa PBA simula sa pre-season tournaments.
Kumamada si Tallo ng 17.5 puntos, 3.0 rebounds, 4.0 assists at 1.5 steals sa dalawang panalo ng Converge na nagpalakas din ngayong offseason sahog pa ang maraming pambatong rookies.
Nagbuslo siya ng 11 puntos, 1 rebound, 4 assists at 1 steal sa 87-75 panalo ng FiberXers kontra sa Blackwater Bossing bago maglista ng 24 puntos, 5 rebounds, 4 assists at 2 steals sa 120-111 tagumpay ng FiberXers kontra sa Rain or Shine Elasto Painters.
Ayon sa mga ulat, nasa negosasyon na si Tallo at ang Converge para sa potensiyal niyang pagbabalik sa PBA matapos ang apat na taon.
Huling sumalang si Tallo, na produkto ng Southwestern University sa CESAFI kung saan siya naging 2-time MVP, noong 2019 para sa NLEX Road Warriors.