Altas pinatakbo ang Red Lions | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pinalakas ng University of Perpetual Help System DALTA ang pag-asa sa Final Four matapos talunin ang San Beda University, 61-57, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nagburda si Art Roque ng 19 ponts, 7 rebounds at 2 blocks para akayin ang Altas sa 7-7 record.
Nagdagdag si Chris Pagaran ng 12 markers at kumalawit si Mark Omega ng 10 points, 11 rebounds at 1 block.
Dumulas naman ang baraha ng Red Lions sa 8-5.
Sa inisyal na laro, tinalo ng Lyceum of the Philippines University ang College of St. Benilde, 84-81.
Dumiretso ang Pirates sa pang-limang sunod na pananalasa para ilista ang 11-3 kartada at muling makasosyo sa liderato ang Mapua Cardinals.
Nagtapos naman ang five-game winning streak ng Blasers para sa 8-5 kartada.
Umiskor si Enoch Valdez ng 15 points para banderahan ang Lyceum, habang may 14 at 13 markers sina JM Bravo at John Barba, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Miguel Oczon ang St. Benilde sa kanyang 19 points, 7 rebounds at 2 assists.
Bigo si Prince Carlos, kumolekta ng 16 points, 5 rebounds at 2 assists, na maipasok ang kanyang 3-point attempt sa huling hirit ng Blazers.