Red Lions nilamon ang Letran Knights | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pinataob ng San Beda University ang Letran College, 77-68, sa pagsasara ng elimination round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Iginuhit ng Red Lions ang 12-6 record para maging No. 3 team sa Final Four katapat ang No. 2 Lyceum Pirates (13-5).
Haharapin ng No. 1 Mapua Cardinals (15-3) ang No. 4 St. Benilde Blazers (11-7) sa isa pang semis match.
Parehong may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Mapua at Lyceum.
Ang panalo sa Knights (2-16) ang ginawang preparasyon ng Red Lions sa Final Four.
“Sabi ko nga, kahit sino ang kalaban namin, kahit hindi Letran, we want to win this game entering the Final Four to build that momentum and continue to build good habits,” ani San Beda coach Yuri Escueta.
Sa unang laro, tinalo ng San Sebastian Stags ang Arellano Chiefs, 98-89, para tapusin ang kanilang kampanya.
Nagtala si Romel Calahat ng 24 points, 10 rebounds, 3 assists at 2 steals para sa 6-12 baraha ng Stags.