Cool Smashers magsosolo sa itaas | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Wala pang panalo ang Strong Group Athletics sa tatlong laro sa 2024 PVL All-Filipino Conference.
Ngunit hindi dapat magkumpiyansa ang nagdedepensang Creamline para masolo ang pangunguna sa torneo, ayon kay coach Sherwin Meneses.
“Sinasabi din sa amin nila coach (Meneses) na we can’t be too complacent. Kailangan may respect and nandoon pa rin iyong aggressiveness namin,” ani star player Alyssa Valdez.
Sasagupain ng Cool Smashers ang Athletics ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang laro ng Nxled Chameleons at Galeries Tower Highrisers sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline, Choco Mucho at Cignal HD sa magkakapareho nilang 3-0 record kasunod ang PLDT Home Fibr (3-1), Petro Gazz (3-1), Farm Fresh (2-2), Chery Tiggo (2-2), Akari (1-3), Capital1 Solar Energy (1-3), Nxled (0-3), Galeries (0-3) at Strong Group Athletics (0-3).
Huling biniktima ng Cool Smashers ang Highrisers, 25-22, 25-17, 25-15 habang nakatikim ang Athletics ng 18-25, 20-25, 25-19, 20-25 kabiguan sa Solar Spikers.
“Okay naman. At least hindi masyadong nagpabaya doon sa mga basic skills na ginagawa namin palagi,” ani Meneses sa Creamline na muling aasa kina Valdez, Tots Carlos, Michele Gumabao, Jema Galanza, Bea De Leon at Kyle Negrito katapat sina Mary Joy Onofre, Dolly Verzosa, Jana Cane, Sheeka Espinosa, Justine Rebleza at Merry Rose Jauculan ng SGA.
Sa ikalawang laro, mag-uunahan sa pagtatala ng unang panalo ang Chameleons at Highrisers na bigo sa kanilang unang tatlong laro.