JRU gustong makaulit sa Lyceum sa 2nd round | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ipagpapatuloy ng Jose Rizal University ang pananalasa sa second round sa pagharap sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Heavy Bombers ang Pirates ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banatan ng Emilio Aguinaldo College Generals at San Sebastian Stags sa alas-4 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Solo ng Mapua ang liderato bitbit ang 8-1 record kasunod ang San Beda (7-2), Jose Rizal (6-3), Lyceum (6-3), Emilio Aguinaldo College (5-4), St. Benilde (5-4), Perpetual (3-6), San Sebastian (3-6), Arellano (1-8) at ‘three-peat’ champions Letran (1-8).
Sumasakay ang Heavy Bombers sa two-game winning streak kumpara sa Pirates na nahulog sa tatlong sunod na kamalasan matapos ang 6-0 panimula sa torneo.
“Marami pa kaming dapat gawin para mas mag-improve pa iyong team going to the second round,” sabi ni Marwin Dionisio na nagtala ng 21 points sa 88-72 paggupo ng Jose Rizal sa Arellano.
Hangad naman ng Lyceum na makabangon mula sa tatlong dikit na pagbulusok para sa tsansa sa Final Four.
Tinakasan ng Heavy Bombers ang Pirates via double overtime, 88-87, sa first round noong Oktubre 17.