JRU magpapasolido sa Final Four | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Magpapalakas ng kanilang pag-asa sa Final Four ang Jose Rizal University sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa second round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Heavy Bombers ang Generals ngayong alas-3:30 ng hapon matapos ang upakan ng mga talsik nang ‘three-peat’ champions Letran Knights at Arellano Chiefs sa ala-1:30 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nangunguna ang Mapua hawak ang 12-3 record kasunod ang Lyceum (11-4), St. Benilde (10-5), Jose Rizal (9-6), San Beda (8-6), University of Perpetual Help System DALTA (8-7), EAC (8-7) at mga sibak nang San Sebastian (5-10), Arellano (2-12) at Letran (1-14).
Umiskor ang Heavy Bombers ng 79-74 panalo sa Knights para pumuwesto sa fourth place sa team standings.
“It’s really important because placing na eh. So, I think kung natalo kami sa Letran, medyo mahihirapan kami,” sabi ni Jose Rizal assistant coach Alex Callueng.
Nagmula naman ang EAC sa 77-64 paggiba sa Arellano para tumabla sa Perpetual sa sixth place.
Mag-uunahan naman ang Knights at Chiefs na makabangon mula sa kanilang mga kamalasan.
Nasa seven-game losing slump ang Letran habang nahulog ang Arellano sa apat na dikit na talo.