Kings sinapawan ang Lakers sa OT | Pilipino Star Ngayon
SACRAMENTO — Iniskor ni Malik Monk ang 11 sa kanyang 22 points sa overtime sa 132-127 pagtakas ng Kings kay LeBron James at sa Los Angeles Lakers.
Humataw si De’Aaron Fox ng 37 points habang nagposas si Domantas Sabonis ng 12 points at 15 rebounds para sa Sacramento na diniskaril ang 20th anniversary ng NBA debut ni LeBron James.
Tumapos si James, ang No. 1 overall pick ng Cleveland Cavaliers noong 2003, na may 27 points, 15 rebounds at 8 assists sa panig ng Los Angeles.
Kumamada si Anthony Davis ng 30 points at 16 rebounds para sa Lakers na nakabangon mula sa 15-point deficit sa pagtatapos ng fourth quarter para humirit ng overtime.
Ang dalawang triple at dalawang free throws ni Monk at isang tres ni Kevin Huerter ang naglayo sa Kings sa 132-125 sa huling 15 segundo.
Sa Oklahoma City, nagtala si Nikola Jokic ng 28 points at 14 rebounds sa paggiya sa nagdedepensang Denver Nuggets sa 128-95 paggupo sa Thunder.
Sa Houston, tumipa si Stephen Curry ng 24 points kasama ang apat na tres sa dulo ng fourth period sa 106-95 pagdaig ng Golden State Warriors sa Rockets.
Nakabangon ang Houston mula sa 16-point deficit para kunin ang two-point lead mula sa basket ni Fil-Am Jalen Green sa gitna ng fourth quarter.
Apat na triples ang isinalpak ni Curry sa 15-2 bomba ng Golden State para sa kanilang 100-89 kalamangan.
Sa Los Angeles, umiskor si Kawhi Leonard ng 21 points at may 19 markers si Paul George para sa 123-83 pagtambak ng Clippers kay rookie Victor Wembanyama at sa San Antonio Spurs.
Nalimitahan ang 7-foot-4 na si Wembanyama sa 11 points, 5 rebounds, 2 assists at 1 block at may lima sa season-worst 25 turnovers ng Spurs.