Quiambao, Dela Rosa bandera sa MVP race | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Bandera sina Kevin Quiambao ng La Salle at Kacey Dela Rosa ng Ateneo sa karera ng Most Valuable Player sa men’s at women’s basketball ng UAAP Season 86 matapos ang mainit na 1st round.
Humakot ng 84.7 statistical points si Quiambao para sa primera puwesto sa men’s division habang nasikwat ni Dela Rosa ang liderato sa women’s play sa likod ng 85.0 SPs.
Nagrehistro si Quiambao ng 16.9 points, 9.6 rebounds, 5.1 assists, 1.1 steals at 0.86 block para tulungan ang Green Archer sa Top-4 finish hawak ang 4-3 kartada papasok sa 2nd round.
Si Dela Rosa naman, all-around ang naging kampanya sa likod ng 18.1 points, 11.9 rebounds, 1.4 assists, 2.1 steals at 2.43 blocks para sa Blue Eagles na swak din sa No. 4 sa women’s play bitbit ang 5-2 kartada.
Nasa likod lang ni Quiambao ang reigning MVP na si Malick Diouf (78.1) ng University of the Philiippines, kakamping si Evan Nelle (74.1), Rey Remogat (73.7) ng University of the East at LJay Gonzales (66.4) ng Far Eastern U.
Sa women’s division, humahabol kay Dela Rosa si Josee Kaputu (81.1) ng FEU, Kent Pastrana (76.1) ng UST, Favour Onoh (74.3) ng UP at Junize Calago (72.0) mula rin sa Ateneo.
Samantala, No. 1 sa men’s scoring si Nic Cabañero (20.6) ng University of Santo Tomas, sa rebounding si Diouf (14.7), Remogat (7.3) sa assists, JD Cagulangan (1.9) ng UP sa steals at Joseph Obasa (3.3) ng Ateneo sa blocks.