Tigers dinagit ng Blue Eagles | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nag-init ang nagdedepensang Ateneo de Manila University sa third period para dagitin ang University of Santo Tomas, 97-77, sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena.
Bumangon ang Blue Eagles mula sa overtime loss sa Far Eastern University Tamaraws para ilista ang 3-3 kartada.
Ito naman ang ikaanim na sunod na kamalasan ng Growling Tigers.
“I know their record doesn’t flatter them but all the teams that played against them know how tough they are,” sabi ni Ateneo head coach Tab Baldwin sa UST team ni mentor Pido Jarencio.
Matapos kunin ang 40-33 halftime lead ay humagibis ang Blue Eagles sa third period kung saan kumamada si Nigerian center Joseph Obasa ng 11 points para sa kanilang 54-40 bentahe sa pitong minuto nito.
Naibaba naman ito ng Growling Tigers sa 58-62 sa likod nina Migs Pangilinan, Angelo Crisostomo, Christian Manaytay, Nic Cabañero at Ivanne Calum.
Sa final canto ay bumida sina Mason Amos, Obasa at Kai Ballungay para muling ilayo ang Ateneo.
Sa unang laro, pinabagsak ng National University ang University of the East, 68-49, para sa kanilang ikatlong dikit na ratsada.
Kumolekta si Omar John ng 12 points, 10 boards, 2 assists at 2 steals para sa 5-1 baraha ng Bulldogs.
Umiskor din sina Jake Figueroa at PJ Palacielo ng tig-12 markers.
Bagsak naman ang marka ng Red Warriors sa 2-4.
Samantala, itinakas ng FEU ang 49-46 panalo sa Adamson University para sa kanilang 2-4 kartada.
Nahulog ang Adamson sa 3-3.