UP dale ang twice-to-beat | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Dinomina ng University of the Philippines ang National University matapos silang akbayan ni Francis Lopez sa 79-57 panalo kagabi sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena.
Nasikwat ng Fighting Maroons ang solo top spot sa team standings tangan ang 12-2 karta dahilan para masungkit din nila ang twice-to-beat advantage sa semifinals.
Nabigo naman ang Bulldogs sa asam nilang makakuha ng insentibo na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng 14-game double round robin dahil sumemplang sila sa No. 3 hawak ang 10-4 record.
Kahit natalo ay pasok pa rin ang NU sa Final Four.
Napunta ang isang bonus sa De La Salle University matapos irehistro ang 11-3 card.
Tumikada si Lopez ng 13 points habang tig-11 ang kinana nina Malick Diouf at CJ Cansino para sa UP.
Samantala, isinalba ni Mathew Montebon ang Adamson University Soaring Falcons matapos magtala ng clutch triple upang kalusin ang University of the East, 63-61 sa unang laro.
Lamang ang Red Warriors, 61-60 may 2.7 seconds na lamang sa orasan, pero nakasilip ng butas si Montebon upang isalpak ang stepback trey at maagaw ang bentahe pabor sa Soaring Falcons.
“I was just in the zone during that play,” ani Montebon. “When I got it, I didn’t know who was behind me. So I just did a step-back corner (three). I thought I missed because I just threw it up and fell down but luckily it went in,”
Dahil sa panalo, nakahirit ng playoff para sa No. 4 spot ang Adamson kontra sa defending champions Ateneo.
Tangan ang 7-7 karta, kapareho ng Soaring Falcons ang Blue Eagles.
Pinamunuan nina Montebon at Cedrick Manzano ang opensa para sa Adamson matapos ilista ang tig-16 points.