Final Four target ng Lyceum | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Pipilitin ng Lyceum of the Philippines University na makabangon mula sa mapait na kabiguan para patibayin ang tsansa sa Final Four ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament.
Sasagupain ng Pirates ang talsik nang San Sebastian Stags ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang bakbakan ng semifinalist Mapua Cardinals at sibak nang Arellano Chiefs sa alas-3:30 ng hapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Nangunguna ang Mapua bitbit ang 13-3 record kasunod ang Lyceum (11-4), College of St. Benilde (10-6), Jose Rizal University (10-6), San Beda University (9-6), Emilio Aguinaldo College (8-8), University of Perpetual Help System DALTA (8-8), San Sebastian (5-10), Arellano (2-13) at Letran College (2-14).
Nagtapos ang five-game winning streak ng Pirates matapos matakasan ng Altas, 80-81 habang yumukod ang Stags sa Blazers, 68-78, sa kanilang mga huling laro.
Sa ikalawang laban, ididiretso ng Cardinals ang kanilang arangkada sa lima sa pakikipagtuos sa Chiefs.
Umiskor ang Mapua ng 69-53 panalo sa Perpetual, samantalang nahulog sa five-game losing slump ang Arellano.